Feature
Maikling Kuwento
ni Arnold Matencio Valledor
ABA
February 03,2010

NAGISING siya sa ihit na ubo ng kanyang ina.  Masasal.  Tila binabayo ang dibdib nito, tumatagos hanggang likod.  Hinahabol ang paghinga. 

Gumapang ang pag-aalala sa katauhan niya.  Nawala ang kanyang antok.  Bumangon.  Ikinuskos ang palad sa mga mata.

Tulog na tulog ang kanyang mga kapatid na sina Bising, Nestor, Ester at Junjun.  Hindi alintana ang paghiga sa papag na yari sa kawayan na nalalatagan ng lumang banig.  Nakakumot ng tinahing mga sako ng arina.

Kinuha niya ang nakatanod na kingke sa pinataob na lusong.  Pinuntahan ang ina sa kabilang silid.

Naupo siya sa gilid ng katre.  Marahang hinagod ang likod ng maysakit.  Nasalat niya ang butuhang likod nito.  Nadama niya ang kanipisan ng katawan.

Muli, sinasal ng ubo ang kanyang ina.

“Ipagtitimpla ko kayo ng gatas, ‘Nay.”

“H’wag mo ‘kong intindihin, Anak.  Wala ito.  Matulog ka na.  Gabing-gabi pa.”

Mag-aalas-tres ng madaling araw iyon.

“Papa’no ‘ko mahihimbing… Inay?”

Tiningnan siya ng ina. Ginulo ang buhok niya.

Pagkainom ng gatas, inalalayan niya ang ina sa paghiga.

“Umidlip na muna kayo, ‘Nay, nang makabawi naman kayo ng tulog.  Gigisingin ko na lamang kayo kung mag-aalmusal na.”

Napahinuhod niya ang ina.

Nagsaing siya.  Umigib ng pampaligo at inumin.

Hanggang mamalayan niya na kalat na ang liwanag sa paligid.  Lumalagos na ang sinag ng araw sa kanilang dingding na sawali at atip na pawid.

 Ginising niya ang mga kapatid.

“Bangon na’t baka mahuli kayo sa klase!”

Pupungas-pungas na bumangon ang mga ito, sabay linga sa paligid.

“Pasens’ya na po, Manoy, at tinanghali kami ng gising,” pagpapaumanhin ni Bising.       

Napagod nga marahil ang mga kapatid niya.  Sa tantiya niya, inabot ng alas-onse ang mga ito sa paggawa ng mga proyekto at assignment.

“Wala ‘yon,” tugon niya.

Naipagpasalamat niya na kahit papaano, nauunawaan ng kanyang mga kapatid ang kalagayan nila sa buhay.  Hindi nagrereklamo ang mga ito sa kung anong nakahain sa hapag, maging ito man ay tuyo, daing, bagoong, laing, talong, talbos ng kamote, kangkong at sardinas.

“Pahalagahan n’yo sana ang pag-aaral n’yo,” paalala ng kanyang ina sa kanyang mga kapatid habang nag-aalmusal.  “Maawa kayo kay Manoy Narsing n’yo!”

“Inay… Manoy, pangako sa inyo, mag-aaral kaming mabuti,” wika ni Bising.

“Ako, mag-e-engineer,” sabi ni Nestor, “upang maipagawa ko ang bahay natin.”

“Ako, doktor, upang magamot ko kayo, ‘Nay,” anang ni Ester.

“Ako, driver…” sambot ni Junjun.

“Ano?” halos sabay-sabay na napamulagat sila.

Driver ng eroplano po!” dugtong nito sabay hagikgik.

Napuno ng tawanan ang munting bahay.

Nakita niya ang ningning sa mga mata ng kaniyang ina.

Pagkatapos mabigyan ng perang baon ang mga kapatid, naghanda na siya sa pagpasok sa trabaho.

Isinuot ang kupasing maong na may punit sa tapat ng tuhod.  Nagbaro ng kulay-lupang T-shirt.

Kinuha niya sa sampayan ang maliit na tuwalya.  Nagsombrero.  Tangan ang pala, nagpaalam na sa ina.

“Mamaya po ‘Nay, pag-uwi ko, baka may dala na akong mga prutas, gulay at itlog… Baka sumahod na kami ngayon.”

Nangingiting napapaluha ang ina niya.

Bago tuluyang makalayo, nilingon niya ang kanilang bahay.  Nakahilig na ang mga haligi nito.

 

MASIPAG ang ama niya.  Walang araw na hindi ito nagbabanat ng buto.  Nakikipagtagisan  sa init ng araw at hapdi ng malalaking patak ng ulan.  Hinubog ang katawan at pinakapal ang kalyo sa mga palad ng halos lahat na uri ng trabaho.

Karpintero ang kanyang ama.  Mahusay sa paggawa at pag-aayos ng bahay.

Magsasaka ring maituturing.  Nakikisaka ito.  Nakikilinang ng mga bukirin.  Nakikitanim at nakikiani ng palay.

At higit sa lahat, mangingisda.

Ngunit hindi nila akalain na ang bagay na nagbibigay sa kanila ng maganda-gandang kita dahil madalas na marami ang huling isda ng kanyang ama ang siyang lalamon pala sa lahat ng pangarap nito sa kanilang pamilya.

Isang magtatakip-silim iyon, nagbabanta ang masungit na panahon.

“H’wag ka nang tumuloy, Isko,” pagsasawata ng kanyang ina sa planong pamamalakaya ng ama.  “May bagyo yatang paparating sa lugar natin!”

“Parang di ka na nasanay sa bagyo, Tering.  Halos buwan-buwan, binabagyo ang Catanduanes, di ba?”

“Mahirap ang sumagupa sa naglalakihang alon!”

“Sanay kaming makipaglaro sa alon.  Sayang naman ang mahuhuli namin.  Labas ang bangus ngayon.  Marami-rami rin ang maibebenta natin ‘pag nagkataon!”

“Ang inaalala ko’y…”

“May kasama ako, si Pareng Meroy.”

Hindi napigil ang ama niya sa pagpunta sa laot.

Maya-maya, kalat na ang dilim.  Lumalakas ang bugso ng hangin.  Sumisipol.  Lumalakas din ang patak ng ulan.

Pagkatapos na maisilid ang mga damit sa malaking timbang may takip at mailigpit ang mga kagamitan nila sa pag-aaral, nakita niya sa mukha ng ina ang pagkabalisa.  Hindi ito mapakali.  Uupo.  Tatayo.  Pupunta sa may tarangkahan.  Lalapit sa ginagawa niya at tutulong sa pagtatali ng kawayang pina-ekis niya sa mga bintana.

“Ang tatay mo, Narsing… ang tatay mo!”

“Uuwi na ‘yon, ‘Nay… uuwi na ‘yon,” pagpapakalma niya.

Humagupit muli ang hangin.  Nayanig ang bahay nila.  Nahulog ang patinte na nakatanod sa Sagrada Familia.  Basag!

Halos panawan ng ulirat ang ina niya.  Pugto ang mga mata habang tinatabunan na sa huling hantungan ang kanyang ama.

Ngunit sa kabila ng pamimighating iyon, nakuha pang mag-usal ng pangako ang kanyang ina sa namayapang ama.

“Kahit wala na ang inyong ama, umasa kayo na ang pangarap na magkatuwang naming binuo para sa inyo ay ipagpapatuloy ko.  Tanging edukasyon lamang ang maipapamana namin sa inyo.  Kaya, walang sinuman ang titigil sa pag-aaral,” sabi ng ina niya, isang araw.

Grade six siya noon, si Bising ay grade five, grade two si Nestor, grade one si Ester at kinder naman si Junjun.

“Mahihirapan po kayo, ‘Nay.  Lima kaming nag-aaral!”  pag-aalala niya.

“Mas mahihirapan ako kung di kayo makakatapos sa pag-eeskwela.”

Namasukang katulong ang kanyang ina.  Naglalabada at namamalantsa.

Nagtinda ng kung anu-ano gaya ng kamote, kamoteng kahoy, gabi at uraro.  Naglako ng mga kakanin tulad ng puto, kutsinta, bibingka, suman-latik at suman sa ibos.

Sumali rin sa sosyo.  Iyon ay grupo ng mga manananim at manggagapas ng palay.  Kaya, tuwing taniman at anihan, laging laman ng bukirin ang kanyang ina.

Sumasama rin ang ina niya sa paghahawan sa madadawag na solar.  Nakikitanim  ng abaka, saging at mga halamang-ugat.

Ano pa’t ang gawaing panlalaki ay pilit na kinakaya ng kanyang ina?

Hanggang maramdaman ng ina ang pananakit ng dibdib at likod at ang pagkakaroon ng sinat tuwing hapon.  Hanggang unti-unting nangangayayat at malimit na sinasasal ng ubo.  Hanggang may napansin siya sa lura nito.

“Inay, bakit may dugo sa lura n’yo?  Baka kung ano na po ‘yan?”

“Ngumanga lang ako, Anak.”

“Hindi kayo nagnganganga, Inay!  Kailangang magpasuri kayo sa doktor!”

Napilit niyang magpunta sa health center ang ina.  Sinuri ang plema nito.  Positibo sa sakit na TB.

Smear-positive kayo, Manay.  Ang treatment period ay aabutin ng anim na buwan.  Ang unang dalawang buwan ay tinatawag na intensive phase kung saan ang iinumin n’yo ay apat na uri ng gamot: rifampicin, INH, pyrazinamide at ethambutol.  Ang susunod na apat na buwan ay ang tinatawag na maintenance phase.  At tanging rifampicin at INH na lamang ang kailangang inumin,” pagpapaliwanag ni Dr. Frias.  “Bukod sa mga gamot na nabanggit na libreng ibibigay namin, upang masiguro ang paggaling n’yo, kailangang palagi kayong uminon ng gatas, kumain ng mga prutas, gulay, itlog at easily digestible desserts.  Pero ang higit sa lahat, upang tuluyang mamatay ang TB bacilli sa katawan n’yo, ay ang pag-iwas sa gawaing mabibigat.  Kailangan n’yo ang sapat na pahinga.”

Paano na ang mga pangarap nilang magkakapatid?

Nagdesisyon siya.  Hihinto siya sa pag-aaral.  Hindi na niya tatapusin ang ikaapat na taon sa haiskul.

Masakit.  Isipin na lamang na isa siya sa mga nangunguna sa klase; pambato sa iba’t ibang uri ng paligsahang pampaaralan.  Ngunit mas maskit sa kanya ang makitang kumakayod ang ina sa kabila ng sakit nito.

“Kaya ko pa, Narsing.  Walang titigil sa inyo sa pag-eeskwela… wala!” tanggi ng kanyang ina nang sabihin niya rito ang kanyang plano.

“Walang saysay ang anumang diplomang igagawad sa ‘min kung ang kapalit nito’y ang buhay n’yo, Inay!”

 

SUMAHOD nga sila ng araw na iyon.  Nagalak siya.  Kasi, mababayaran na ang utang nila sa tindahan ni Nang Adelaida; mabibili na rin niya ang mga pagkaing kailangan ng kanyang ina; at maibibigay na rin niya ang mga kagamitang pampaaralan na matagal nang iniuungot sa kanya ng mga kapatid.

Mula sa pinagtatrabahuhang konstruksiyon, sumakay siya sa traysikel papuntang Saod.

Habang sakay, pinagmamasdan niya ang iba’t ibang establisimyento na naglalarawan ng kaginhawaan.  At bagamat ang lugar na kinalakihan niya ay sakop pa rin ng lunan na tinatalunton nila, nakadama siya ng pagka-banyaga.  Ng panliliit.

Sana, makaahon din kami sa kahirapan, usal niya.

Bumaba siya sa traysikel pagdating sa Saod.  Lakad-takbong tinungo ang pamilihang-bayan.  Bigla, sa may hagdan, may sumulpot na aleng may katabaan.  Nabangga niya.

“Ano ba?” singhal ng ale sa kanya.  May bitbit itong ubas.  Sa mga palamuti sa katawan, mahihinuhang mayaman.

“S-sori po, Ma’m…” paumanhin niya.

“Sa susunod, titingin ka sa nilalakaran mo.  Amoy-pawis ka pa naman.  Andumi-dumi mo pa!” sabay pagpag sa magarang kasuotan.

Napatingin siya sa sarili.  Marumi nga siya.  Sa maghapong paghahalo ng semento, lumutang ang pagiging aba niya.

“Sori po,” uli, paumanhin niya.

Inismiran siya ng ale, sabay alis.

Naglibot siya sa pamilihang-bayan.  Namili.

Sasakay na siya sa traysikel upang umuwi nang may yumanig sa panga niya.  Sinampal siya ng ubod lakas.

“S’ya ho, Sir,” sabi sa pulis na kasama, “hinding-hindi ako nagkakamali!”

Tiningnan niya ang nagsasalita.  Ang matabang ale na nabangga niya kanina.

“Ano pong kasalanan ko senyo, ale?” tanong niya habang pinupunas ng palad ang sumargong dugo sa nabiyak na labi.

“Nagmamaang-maangan ka pa!” galit na sigaw ng ale.  “Pagkatapos mong dukutin ang wallet ko’y…”

“Wala po akong alam sa sinasabi n’yo!” nagugulumihang tugon niya.

“At kaninong pera ang binili mo sa lahat nang ‘yan?” sabay turo sa malaking supot na tangan-tangan niya.

“P-pera kop o, Ma’m!”

“Umamin ka na, Bata!” sabi ng pulis.

“S-sir… maniwala po kayo.  Sumahod po ako.  Nagtatrabaho po ako.  Piyon po ako.  Di ako magnanakaw.  Mabuti po akong tao!” hindi magkandatuto na paliwanag niya.

“H’wag kayong maniwala r’yan, Sir.  Kaya dumarami ang tekas dito sa ‘tin dahil nadadala kayo sa drama ng mga hampas-lupang ‘yan!”

“Akin nang pinamili mo!” sabay dukwang ng pulis sa bitbit niyang supot.

“Maawa po kayo, Sir.  H’wag n’yo pong kukunin ‘to.  Pinaghirapan ko po ‘to.  Kay Inay at sa mga kapatid ko po ‘to.”

“Akin ‘yan!  Pera ko ang ibinili mo sa mga ‘yan!”

“Kahit ako’y mahirap, di ako magnanakaw,” mangiyak-ngiyak na siya.

“Ibigay mo na, Bata, baka mapahamak ka lang!” giit ng pulis.

Nanginig siya.  Hindi siya sanay na makakita ng baril.  Lalo na kapag tinututukan nito.

“Sasama ka sa ‘min sa presinto!”

“Dapat sa mga ganyan, Sir, turuan ng leksiyon.  Namimihasa!”

Paano niya isasalba ang sarili sa kapahamakan?

Maya-maya, may tumawag sa hindi kalayuan.

“Suki… suki!”

Nakuha ng tumatawag ang atensiyon ng ale at ng pulis.  Tumingin ang dalawa sa pinanggagalingan ng sigaw. 

Pahablot, kinuha niya sa pulis ang supot.  Tumakbo.  Matulin.

Hindi pa siya nakakalayo, nakarinig siya ng warning shot.  At nakita niya na patakbong sumusunod sa kanya ang pulis gayundin ang ale.

Kailangang mailigaw ko sila, aniya sa sarili. Tumakbo siyang pakanan.  Sumiksik sa kalumpon ng mga tao.  Tapos, umiba ng direksiyon.  Kumaliwa naman.

Hindi niya napansin ang rumaragasang dyip na iyon!

Narinig niya ang malalakas na sigawan ng mga tao.  Ang pag-ingit ng gulong ng sasakyan.

Nadama niya ang malakas na pagbangga ng sasakyan sa kanyang katawan.  Ang pabalandrang pagbagsak niya sa kalye.

Nakita niyang sumambulat ang kanyang mga pinamili.  Ang mga itlog na agad na nabasag.  Ang gatas, asukal, asin, krayola, activity notebook, theme notebook, folder, fastener, ballpen at lapis na tumilapon.  At ang mga prutas at gulay na inaapak-apakan ng mga taong naglalapitan sa kinalugmukan niya.

Namalisbis ang luha sa kanyang mga mata.  Nakikini-kinita niya ang yayat at hapis na mukha ng ina, ang mga kapatid na nagpapatayugan ng mga pangarap, at ang nakahilig nilang bahay.

“Ano ba’ng kasalanan at hinahabol n’yo ‘to, Sir?” naulinigan niyang tanong ng mga nasa paligid.

“Dinukot n’yang wallet ko!” sabad ng ale.

“Suki, ito ho’ng wallet n’yo!”

“Papaanong…?”

“Naiwan n’yo ‘to sa salansan ng mga ubas.  Marahil sa labis n’yong pagmamadali kanina… Napansin ito ng mister ko habang nagbibigay ng prutas sa mga sumunod na kostumer.  Tiningnan ko ang ID at agad kitang naalaala.  Pumunta ako sa Citizen’s Drug Store dahil kamo’y bibili ka ng gamot, ngunit di na kita nakita ro’n.  Umikot ako sa buong palengke.  Nagbakasakali.  Hanggang makita nga kita!”

Naramdaman niya ang patuloy na pagligwak ng dugo sa kanyang katawan.  Naramdaman niya ang unti-unting panghihina.

“Dalhin natin sa ospital… Dali!”

At tulung-tulong ang pagkalong sa kanya ng mga tao. #

 

Sa isang lipunang sakal ng mga naghaharing-uri, walang kinabukasan ang mga maralita.
Feature
Cybertrivia: Accident Reports 0

Weekly Reflections: If I Could 0

Burabod: “BACO AKONG BUYÓNG!” 0